DTI-Sorsogon, hihintayin pa ang kautusan sa paglilimita ng pagbili ng bilang ng paracetamol sa mga botika

SORSOGON CITY – Wala pa umanong natatanggap na memorandum ang opisina ng Dept of Trade and Industry (DTI)-Sorsogon mula sa kanilang Central Office hinggil sa paglilimita sa bilang ng bibilhing paracetamol sa mga parmasiya at botika.

Ayon sa pinuno ng Consumer Protection Division na si Teodora Laguna, base umano sa kanilang monitoring, hindi pa gaano kataasan ang demand ng mga paracetamol sa lalawigan at sapat pa rin ang suplay ng mga ito sa mga parmasya at botika.

Read More:  Two NPA rebels surrender, arms cache recovered in Bicol

Gayunpaman, sinabi ng opisyal na maaaring magbago ang sitwasyon lalo na at nararamdamang muli ang mga banta ng Covid-19 na patuloy ang pagtaas ng kaso ng nagpopositibo bawat araw.

Matatandaan na ang DTI at Dept. of Health ay nagpalabas ng joint memorandum na nagtatakda ng limitasyon sa pagbili ng paracetamol, carbocisteine at iba pang gamot para sa trangkaso.

Read More:  Grenade attack on military truck injures five in Maguindanao del Sur

Nakasaad sa memorandum na ang isang indibidwal ay maaari lamang bumili ng hanggang 20 tableta ng 500mg paracetamol habang 60 naman sa isang household.

Ipinagbabawal din ang online selling sa mga nasabing gamot maliban na lamang kung may pahintulot sa Food and Drugs Administration.

Ang joint memorandum ay naglalayong maiwasan ang artificial shortage at pagsirit ng mga over-the-counter (OTC) na mga gamot sa trangkaso at upang matiyak ang availability hanggang maging matatag na ang suplay nito.