LEGAZPI CITY – Tiniyak ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na mayroon silang ibibigay na recover program para sa mga residenteng lubos na apektado ng pag-aalburoto ng Bulkang Mayon.
Sa ekslusibong panayam ng Brigada News FM Legazpi kay Sec. Rex Gatchalian, sinabi nito na mayroon na silang nakalaang mga programa na makakatulong sa residente pagkatapos nito.
Lubos kasi umanong naantala ang buhay ng mga residente dahil sa paghahanda at paglilikas para sa kaligtasan, kung kaya’t nais ng kanilang ahensya na matulungan ang mga itong makabawi at maibalik ang normal na pamumuhay.
Halimbawa na lamang, aniya, ng mga programa ito ay ang Sustainable Livelihood Program na ilalatag sa tamang panahon.
Subalit, ayon kay Gatchalian, pinakaagaran ngayon ang paglilikas at ang pagsunod sa mga otoridad upang malayo sila sa panganib.
Samantala, tiniyak din ng kalihim na sapat na sapat ang mga relief goods mula sa DSWD na ipapamahagi sa mga evacuees.
Aniya, kinompute na nila ito kasama ng mga lokal na opisyal sa lalawigan dahil posibleng tumagal ang pananatili nila sa evacuation centers.
Handang-handa umano ang ahensya sa pagbibigay ng mga relief goods maging ng iba pang pangangailangan sa evacuation centers. Matatandaan, personal na bumisita si Gatchalian sa Albay noong Sabado upang tingnan at inspeksyunin ang mga evacuation centers sa lalawigan at iba pa.