DSWD target na mabakunahan lahat ng benepisyaryo ng 4P’s

CAMARINES NORTE- Target ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na mabakunahan lahat ng benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4P’s).

Ito’y kahit wala umano sa polisiya ng departamento na pilitin ang mga benepisyaryo at gawing kundisyon ang COVID- 19 vaccine sa pagtanggap ng ayuda.

Ayon kay Claudio Villareal Jr., Provincial Action Team Leader at OIC Provincial Link, adhikain na talaga umano ng ahensiya na magpalaganap ng tamang impormasyon sa pagbabakuna upang mahikayat ang mga benepisyaryo ng programa na magpabakuna lalo na sa national vaccinations days na nagsimula ngayong araw na tatagal hanggang December 1.

Read More:  Doctor robbed by riding-in-tandem suspects in Bacolod

Bago pa man ang Bayanihan Bakunahan ay nagbigay na umano siya ng mandato na magkaroon ng imbentaryo kung sino- sino pa ang hindi nababakunahan upang maipalista.

Positibo naman umano ang karamihan sa mga benepisyaryo at payag ang mga itong magpabakuna.

Nilinaw din ni Villareal na hindi sila nagtakda ng quota o bilang ng mga babakunahan sa tatlong araw na malawakang bakunahan.

Kahit naman daw kasi tapos na ang national vaccination days ay hindi matitigil ang kanilang adbokasiya para mabakunahan ang kanilang mga benepisyaryo.

Read More:  Canlaon artisans adapt to calamities with limited materials, volcanic ash crafts

“Ang target talaga natin ay one hundred percent, wala tayong quota- quota inasmuch as gusto po natin talaga ay lahat ay mabakunahan kasi kung maglalagay tayo ng porsientahe o quota lang eh baka mamaya kapag nakuha na natin ang quota  ay matitigil yung adbokasiya,” ani Villareal.

Inanunsiyo rin ni Villareal na nagkaroon na rin sila ng pagtatala sa hanay ng Indigenous Peoples partikular sa mga Manide at mangilan- ngilang Dumagat.

Sa inisyal umano nilang pakikipag ugnayan ay mayroon nang nasa 500 na gustong magpabakuna.