Handa na ang relief goods ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Central at Eastern Visayas, na ipamamahagi sa mga pamilya na maaring maapektuhan ng Bagyong Odette.
Ayon sa DSWD Region VII o Central Visayas, naglaan sila ng 23,642 family food packs—kung saan 6,658 dito ay para sa Bohol, 14,911 ang para sa Cebu, at 2,073 ang para sa Negros Oriental.
Maliban dito, may kabuoang P752,250 rin sila na emergency standby funds.
Samantala, ang kanilang non-food items naman ay kinabibilangan ng 2,434 packs ng hygiene kits, 14,647 malongs, 958 packs ng family clothing kits, 500 pieces ng modular tents, at 126 pieces ng mats, at iba pa.
Kaugnay nito, may tatlong regional quick response teams rin na binubuo ng 150 miyembro bawat isa, na magbibigay ng disaster relief o humanitarian services kung kinakailangan.
Sa kabilang dako, umaabot naman sa 20,600 na family food packs ang inihanda ng DSWD Easten Visayas na nagkakahalaga ng P10,385,473 na naka-imbak na sa iba’t-ibang strategic warehouses sa buong rehiyon.

Mula sa naturang food packs, 4,626 ang para sa Regional Resource Operations Section, 1,200 para sa Eastern Samar, 3,694 para sa Northern Samar, 980 para sa Samar, at 100 ang para sa Biliran.
Activated na rin ng DSWD Eastern Visayas ang kanilang quick response team para sa patuloy na pag-monitor sa bagyo at tugunan ang pangangailangan ng mga kinauukulang LGUs.
Patuloy namang nagpapaalala ang ahensya na ayon sa Republic Act 10121, ang LGU ang unang rumeresponde sa mga sakuna at maaring mag-release ng mga relief goods ang DSWD kapag mag-request ang mga LGU. //MHEL PACIA-TRINIDAD