CAMARINES NORTE- Nilinaw ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na hindi ititigil ang pamamahagi ng educational assistance sa ilalim ng Assistance to Individual in Crisis Situation o AICS.
Sa panayam ng Brigada News FM Daet kay Social Welfare Officer III Claudio Villareal Jr., Provincial Action Team Leader ng Camarines Norte DSWD Field Office sinabi nito na sa ngayon ay bibigyan muna ng pansin ang mga naka schedule for pay out sa natitirang dalawang Sabado batay na rin sa naging pahayag ni Secretary Erwin Tulfo.
Aniya noon pa man ay bahagi na talaga ang educational assistance ng regular na programa sa ilalim ng AICS.
Kaya hindi umano nangangahulugan na kapag natapos na ang huling dalawang Sabado ng pay out ay ititigil na ito.
Maghihintay lang aniya sila ng direktiba mula sa kalihim kung kailan muling bubuksan ang regular educational assistance dahil ang ginagawa umano ngayon ng ahensiya ay tinatawag na special operations.
Ngayong darating na Sabado ay isasagawa ang pay out sa Sta Elena na mayroong mahigit kumulang 1, 200 target beneficiaries at Capalonga na mayroon namang 1, 119.
Isasagawa ito sa mga covered court ng naturang bayan sa tulong ng MSWDO at PSWDO
Lahat ng online application ay subject sa cross matching at investigation.
Nangangahulugan umano ito na hindi lahat ng nag online application ay otomatikong pasado kahit pa ang mga nakapaskil na listahan ng cleanlisted.
Paliwanag ni Villareal dadaan pa ito sa assessment ng social worker para masigurong ang tatanggap ng educational assistance ay talagang eligible.
Sa September 24 naman ay gagawin ang huling pay out para sa special operation sa Jose Panganiban at Paracale.
Pagkatapos nito ay iko- collate ang listahan ng lahat ng nabayaran at hindi upang ang mga eligible na hindi nabigyan ay bibigyan ng schedule sa regular na pay out.
