Inanunsyo ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na maglulunsad sila ng programa na magbibigay ng financial aid o ayuda para sa mga estudyante mula sa mga mahihirap na pamilya sa bansa.
Sa Malacañang press briefing, kinumpirma ni Sec. Erwin Tulfo na magsisimula ang naturang programa ngayong darating na Sabado at tatagal hanggang September 24, 2022 kung saan nakapailalim ito sa kanilang Assistance for Individuals in Crisis Situation (AICS) program.
Ayon kay Sec. Tulfo, mayroon na silang inilaan na P500 million na pondo para sa nasabing ayuda ng mga indigent students.
Partikular na dahilan ng pamamahagi na ito ng ahensya ay upang may magastos daw ang mga estudyante ngayong pasukan kagaya ng pambili ng school supplies at uniforms maging school fees.
Sa nasabing ayuda, P1,000 ang matatanggap ng mga nasa elementarya, P2,000 para sa mga high school students, P3,000 para sa mga senior high school at P4,000 naman sa mga nasa kolehiyo at vocational course students.
Inihayag naman ng kalihim na aabot sa tatlong estudyante mula sa isang pamilya ang kwalipikadong benepisyaryo ng programa.
#