CAMARINES NORTE – Hindi na umabot pa ng buhay sa ospital ang isang 43-anyos na lalaki matapos sumalpok sa isang puno ang minamaneho nitong motorsiklo sakay ng angkas nito dakong alas 5:10 ng hapon nitong sabado sa Purok 5, Sitio Paraiso, Brgy. Rizal, Sta. Elena, Camarines Norte.
Ang nasabing drayber ng motorsiklo na Honda TMX ay nakilalang si Richard Malle Y Lopes, residente ng Purok 3, Brgy. Villa Aurora, Capalonga, Camarines Norte samantalang ang angkas na nagtamo rin ng mga sugat ay nakilalang si Abner Magdaraog Y Tabo, 41 anyos, residente naman ng Brgy. Lucbanan, ng kaparehong bayan
Sa report ng pulisya, habang binabaybay ng mga biktima ang isang kurbadang daan sa kahabaan ng Maharlika Highway patungong Labo, Camarines Norte nang biglang mawalan ng kontrol ang nasabing motorsiklo papuntang kanang bahagi ng kalsada dahil sa sobrang dulas ng daan na gawa ng pag-ulan.
Dahil sa nangyari, tumama ang mga ito sa isang warning post “sharp curve sign” na naging dahilan din ng pagbangga ng mga ito sa puno ng star apple.
Nagtamo ng mga pinsala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang mga biktima at kaagad na dinala ng mga rumesponde sa pinakamalapit na pagamutan upang malapatan ng lunas.
Sa kasawiang palad, si Malle ay idineklarang dead on arrival ng nakatalagang doktor.
(photo: CNPPO)

