Tiniyak ng Department of Public Works and Highways 3rd District na hindi maaantala at matatapos pa rin sa inilatag na time frame ang kanilang mga nakalinyang proyekto sa kabila ng pagpasok ng rainy season.
Ito ang kinumpirma ni Engr. II Ryan James Manglicmot, ang tagapagsalita ng DPWH 3RD District sa naging panayam ng 92.9 Brigada News FM Cauayan. Aniya, full operation pa rin ang kanilang tanggapan sa kanilang mga proyekto.
Sa katunayan umano, batay sa huling report ng DPWH 3rd district monitoring unit ay nasa 63% na ang natatapos na proyekto na kabilang sa For Comprehensive Release ngayong taon.
Kaugnay dito, sa nakaraang buwan ng Mayo ay mayroon ng mga nakumpletong flood control project, evacuation centers at road concreting projects sa bayan ng Angadanan, San Mateo, Ramon at Naguilian, Isabela.
Ayon pa kay Engr. Manglicmot, nagpapatuloy din ang pagpapaalala ni OIC Engr. Adonis Asis sa mga project engineers at inspectors na maglagay ng warning devises sa mga construction sites lalo na umano sa mga daan.
Pinaalalahanan naman niya ang mga residente at motorist na mag-ingat sa mga lansangan na kasalukuyang ginagawa at maging maalam sa mga warning devises upang makaiwas sa aksidente