Nasa 6.4 milyong COVID-19 vaccines mula sa iba-ibang manufacturers ang darating sa bansa bago matapos ang Hunyo.
Ayon kay vaccine czar Secretary Carlito Galvez Jr., mapupunan ng mga parating na bakuna ang target deliveries ng gobyerno na 10,804,820 COVID-19 vaccine shots para ngayong buwan.
Aniya, apat na milyong COVID-19 vaccines mula Chinese firm na Sinovac ang darating sa Pilipinas ngayong Hunyo kung saan 1.5 milyong doses ang darating sa June 17, habang isang milyong shots ang darating sa June 24.
Samantala, ipinakita ni Galvez sa kanyang presentation na darating ngayong buwan ang nalalabing 1.5 milyong Sinovac shots pero di pa inaanunsyo ang date of delivery.
Nasa 250,000 COVID-19 vaccines naman mula sa American firm na Moderna ang ide-deliver sa June 25. Kabilang dito ang 50,000 doses para sa private sector.
Sa ikatlong linggo aniya ng Hunyo, sinabi ni Galvez na 2.028 milyong AstraZeneca COVID-19 vaccines ang ido-donate ng Estados Unidos sa pamamagitan ng COVAX facility na ide-deliver sa Pilipinas.
Habang karagdagang 150,000 doses ng Sputnik V ng Russia ang darating din sa bansa ngayong buwan.
Sinabi ni Galvez na inaasahan ng gobyerno na makakamit natin ang herd immunity sa National Capital Region (NCR) at mga kalapit na probinsya pagdating ng Nobyembre.
