Tuloy ang pagdating ngayong araw ng mga bakunang donasyon ng Japan para sa Pilipinas.
Ito ay matapos ang inanunsyo ni Japanese Ambassador Kazuhiko Koshikawa na pagdating ng isang milyong doses ng AstraZeneca COVID-19 vaccines ngayong July 8 na kinumpirma ni vaccine czar Carlito Galvez Jr.
Ayon sa Manila International Airport Authority (MIAA), sakay ng biyaheng All Nippon Airways na darating mamayang gabi ang mga donasyong bakuna.
Magbababa muna ng mga pasahero sa NAIA Terminal 3 ang eroplano bago dadalhin ang mga bakuna sa Kalayaan para sa seremonya at pagbaba ng mga bakuna.
Sasalubungin ang shipment ng mga matataas na opisyal ng pamahalaan kasama ng Japanese Embassy na nagsabing maglalaan din sila ng cold storage system para sa Pilipinas.
Ito ay para matiyak ang ligtas at mabilis na paghahatid ng mga bakuna sa iba’t-ibang panig ng bansa.