Bagama’t nagpapagaling pa si Justice Secretary Jesus Crispin Remulla mula sa kanyang bypass operation, nananatili siyang aktibo sa Department of Justice (DOJ).
Kinumpirma ito ng tagapagsalita ng ahensya na si Atty. Mico Clavano sa kabila ng hindi pagpapakita ni Remulla sa media simula pa noong Marso.
Ayon kay Clavano, inabisuhan si Remulla ng kanyang doktor na dahan-dahanin ang pagbabalik sa trabaho dahil hindi biro ang sumailalim sa bypass operation para sa limang arteries.
Dagdag pa nito na ang immune system ng kalihim ay mababa sa ngayon dahil sa kanyang iniinom na gamot.
Sa kabila nito, muling iginiit ni Clavano na maayos ang kalagayan ni Remulla at umaasa siyang makabalik na ito sa trabaho sa lalong madaling panahon.
