Nakaalerto na ang mga surveillance systems ng Department of Health (DOH) kasunod ng deklarasyon ng Africa Centres for Disease Control and Prevention (CDC) ng public health emergency kasunod ng mpox outbreak.
Kahapon, idineklara ng Africa CDC ang “public health emergency of continental security” dahil sa outbreak ng mpox – na una nang tinawag bilang monkeypox – na kumalat na mula sa Democratic Republic of Congo hanggang sa mga kalapit nitong mga bansa.
Ayon kay DOH spokesperson Assistant Secretary Albert Domingo, nananatili pa rin sa 9 ang bilang ng mga mpox cases sa Pilipinas.
Apat umano rito ay na-detect noong 2022, at ang 5 iba pa ay naiulat noong nakaraang taon.
Ani Domingo, walang na-detect na bagong kaso ng sakit simula noong December 2023.