Binigyang-diin ni Department of Health (DOH) Spokesperson at Asec. Albert Domingo na hindi lang naman ang National Kidney and Transplant Institute (NKTI) at San Lazaro Hospital ang mga ospital sa Metro Manila.
Ito ay kasunod ng pagdami ng naitalang bilang ng NKTI ng mga leptospirosis cases.
Dahil nga rito, nagre-request na ang NKTI ng karagdagang manpower dahil sa kakulangan ng mga tauhan sa gitna pagdami ng pasyenteng tinatamaan ng leptospirosis.
Ayon kay Domingo, hindi lang naman NKTI ang gumagawa ng dialysis dahil halos lahat ng mga ospital ay mayroon nito.
Kayang-kaya rin aniya ng ibang ospital na gamutin ang naturang sakit.
Sa huli, sinabi ni Domingo na hindi kulang ang nurse at doktor – nasa ibang ospital lang ang mga ito.
Kailangan umanong i-divert ang mga pasyente kung saan naroroon ang mga health staff at handang tumanggap ang mga ospital.