CAMARINES NORTE- Hinimok ng Department of Health (DOH) ang publiko partikular ang mga hindi pa bakunado na iwasan muna ang pagdalo sa mga Christmas Party.
Ayon kay DOH Provincial Officer Dr. Jocelyn Iraola, mas mainam pa rin kung fully vaccinated na kapag dadalo sa party upang hindi gaanong mataas ang panganib na dapuan ng COVID- 19.
Sa ilalim ng Alert Level 2 pinapayagan ang pagsasagawa ng mga Christmas Party basta’t masusunod ang health protocols.
Nauna nang inihayag ng Department of the Interior and Local Government na bagamat pinapayagan ang pagdaraos ng mga Christmas party ay dapat sundin ang polisiyang 50 % venue capacity limit.
Maaari namang magdagdag ng 10 % sa mga establishment na mayroon nang safety seals
Pero para kay Iraola, mabuting mas maging maingat kahit bumababa na ang mga naitatalang kaso ng COVID- 19.
Hinimok rin ni Iraola ang mga magulang na huwag hayaang palaging nasa labas ng bahay ang mga bata lalo na ang mga hindi pa nababakunahan.
Aniya, hindi siya komporme na nasa mall ang mga bata lalo’t kung sino- sino ang pwede nilang makasalamuha sa loob.
Mas mainam umano na mabakunahan muna ang mga ito bago gumala lalo na sa loob ng mall.
“Ay bawal na muna ang party lalo na kung hindi ka pa naman naka ano, nakaka second dose huwag ka na munang maglabas, nalulungkot ako kasi may nakikita akong mga batang maliit ay hindi natin sigurado kung ang nakakasalamuha niya sa loob ng mall ay may mga second doses na at least kahit papano medyo may panlaban na rin,” ani Iraola.
