Inihayag ng Department of Health na gagamitin muna nila ang P311 milyon mula sa kanilang contingency fund para maibigay ang special risk allowance (SRA) sa karagdagang pang 20,000 health workers sa bansa.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, natukoy ang 20,156 pang health workers mula sa pampubliko at pampribadong mga ospital na nadagdag sa listahan ng mga makakatanggap ng SRA.
Aniya, hindi pa naisasapinal ang halagang P311 million dahil kailangan pa nilang hintayin ang final list mula sa mga facilities at regional offices.

Dagdag ng opisyal, ang paggamit ng contingency fund ng DOH ay kasalukuyan pa umanong idinudulog ng Department of Budget and Management (DBM) sa Office of the President bago tuluyang payagan ang DOH na gamitin ang pondo para sa SRA ng mga health workers.
Samantala, sinabi ni Vergeire na isa sa mga bottlenecks na humaharang sa paglalabas ng SRA ng health workers ang pangangailangan ng memorandum of agreement sa pagitan ng DOH at local governments o private hospitals.