BATANGAS CITY – Nagbigay ng paalala ang Department of Health (DOH) CALABARZON sa mga residente ng Cavite hinggil sa epekto ng oil spill sa kalusugan.
Ayon sa DOH, mainam na iwasan ng mga residente ang pagkain ng mga lamang-dagat mula sa apektadong lugar upang maiwasan ang posibleng food poisoning.
Iwasan rin anila ang mga lugar na apektado ng oil spill dahil maaari itong magdulot ng panganib sa kalusugan kapag nalanghap ito o nadikit sa balat.
Bukod dito, ang exposure sa oil spill ay maaaring magdulot ng pagsusuka, labis na pagdudumi, pananakit ng tiyan, pag-ubo, iritasyon, at sa malalang kaso, pagkamatay.
Pinapayuhan ang lahat na mag-ingat at sundin ang mga rekomendasyon ng DOH upang mapanatili ang kalusugan at kaligtasan.