BNFM BICOL—Naglabas ng abiso ang Department of Health-Center for Health Development (DOH-CHD Bicol) hinggil sa sakit na dengue makaraang maitala ang pagtaas ng kaso nito partikular sa tatlong mga lalawigan sa rehiyon.
Ayon sa ahensya, wala umanong pinipiling panahon ang sakit na dengue kung kaya’t mahalagang maging handa ang publiko anumang oras upang maiwasan ang pagkakaroon nito.
Paliwanag ng DOH, ang dengue ay isang uri ng impeksyon mula sa virus na dala ng mga babaeng lamok na nailiipat sa mga tao sa pamamagitan ng kanilang kagat.
Ilan umano sa mga sintomas nito ang mataas na lagnat; pananakit sa likod ng mata; hirap sa paghinga; panghihina: rashes sa balat at marami pang iba.
Kaugnay nito, iniulat rin ng ahensya ang nakitang pagtaas ng mga naitalang kaso ng dengue sa tatlong probinsya ng Bicol kung saan batay sakanilang monitoring simula January 1 hanggang April 9 ng kasalukuyang taon, umabot sa 14 ang naitalang kaso sa Albay, 132 sa Camarines Sur habang 19 naman sa Masbate.
Mas mataas anila ito ng 33% hanggang 46% kung ikukumpara sa nakalipas na datos sa kaparehong peryodo noong 2021.
Samantala, bumaba naman ang kaso ng dengue sa tatlong natitirang mga lalawigan sa Bicol kabilang ang Catanduanes, Sorsogon at Camarines Norte.###