BNFMB BICOL—Nagbabala ang Department of Health-Bicol sa publiko hinggil sa mga karaniwang sakit na nauuso ngayong masama ang lagay ng panahon at palagian ang nararanasang pag-ulan sa iba’t-ibang bahagi ng rehiyon.
Ayon sa ahensya, dapat na iwasan ng mga Bicolano ang WILD Diseases o mas kilala sa mga terminolohiyang ‘Water-borne infectious diseases, Influenza, Leptospirosis at Dengue.’
Ang mga nasabing karamdaman ay karaniwang nagmumula o nakukuha sa mga kontaminadong tubig dulot ng pagbaha matapos ang malakas na ulan, lalo na ang Leptospirosis na isang mapanganib na uri ng impeksyon, kung saan sumasama sa tubig baha ang “leptospira bacteria” na inilalabas ng mga hayop sakanilang pag-ihi kagaya ng mga daga.
Payo ng DOH, iwasang lumusong sa tubig baha na posibleng kontaminado ng mga bacterias; panatilihin ang kalinisan sa sarili at kapaligiran at higit sa lahat ay siguraduhin ang pagkakaroon ng malakas na resistensya at pangagatawan.###