Nagpaalala ang Department of Health (DOH) Bicol sa mga magulang at iba pang mga mamimili tungkol sa pagbibili ng mga laruan bilang regalo ngayong kapaskuhan at bagong taon para sa mga bata, kung saan inihayag na pumili ng ligtas at angkop para sa kanilang edad.
Ayon kay Monrey Isaiah Mancilla non-communicable disease cluster chief ng ahensya, maraming tao ang bumibili ng mga laruan dahil iniisip nilang abot-kaya, kaakit-akit, may magandang kulay, packaging, at kalidad.
Aniya, ang ligtas na laruan na tinukoy ng DOH na angkop sa pisikal at mental na kakayahan ng isang bata ay kaakit-akit at kawili-wili, mahusay na pagkakagawa, matibay at ligtas para sa edad ng bata.
Palaging suriin ang mga label sa packaging ng mga laruan at obserbahan ang mga makikita sa labels.
Sinabi niya, kapag mayroong makitang mga kemikal tulad ng cadmium, lead at mercury ay huwag nang bilihin.
Maliban pa rito, may mga materyal sa palengke o online na walang label na hindi talaga pinapayagan, kung kaya paalala niyang huwag nang bilhin dahil hindi ito sumailalim sa tamang proseso at hindi nasuri.
Dagdag pa niya, ang Republic Act (RA) 10620 o ang Toy and Game Safety Labeling Act of 2013 ay nagsasabi sa publiko na mas maging maingat sa mga laruan na kanilang binibili. Sinabi rin ni Mancilla na dapat tiyakin ng mga magulang na ang kanilang mga anak ay naglalaro ng mga laruang angkop sa kanilang edad at may pangangasiwa.