BNFM BICOL— Damang-dama na rin ang kapaskuhan sa bayan ng Virac, Catanduanes. Ito ay matapos pailawan at iparada kahapon ang mga makukulay na parol sa poblacion ng nasabing bayan.
Ayon sa LGU, ang mga makukulay na Christmas décors ay gawa umano sa mga recycled at indigenous materials kung saan ang bawat distrito ng nasabing bayan ay may kanya-kanyang entry.
Ang bawat likhang parol ng mga residente ay kanilang magiging pambato sa ‘Parol Making Contest’ ng LGU kung saan ang malilikom na ‘like at heart’ reactions ng mga larawan nito sa Facebook ang isa mga criteria sa pagpili ng mananalong entry.
Kaugnay nito, gabi-gabi na ring masisilayan sa Catanduanes State University ang giant ‘Christmas Tree of HOPE’ at nasa 61 “Parol ng Pag-asa” na ginawa ng mga PDL sa San Andres District Jail.
Ayon kay CatSU President Dr. Allain Azansa, ang makukulay na parol at dekorasyong pamasko sa loob ng unibersidad ay nagsisilbing pag-asa at pagbabago na nangyayari ngayon sa nasabing institusyon.
Samantala, ipinagdiriwang naman simula kahapon hanggang ngayong araw ang pistang bayan ng Virac kung saan kahapon ay nag deklara ng ‘Special Non-working Day’ ang kabiserang bayan upang bigyang daan ang naturang selebrasyon kaakibat ang matamang pagsunod sa mga umiiral na health protocols.###