LEGAZPI CITY – Binigyang-diin ng Diocese of Legazpi ang mga penalidad na maaaring kaharapin ng mga klerigo na nagbabalak tumakbo sa pagkandidato sa darating Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) 2023.
Sa panayam ng Brigada News FM Legazpi kay Fr. Rex Arjona, sinabi nito na mahigpit itong ipinagbabawal sa ilalim ng Simbahang Katoliko. Sakop aniya nito ang mga pari, dyakuno, opisbo, at iba pang mga nasa mataas na ranggo sa simbahan.
Sinabi niya, posible itong maharap sa suspension, nangangahulugan, hindi ito makakapagmisa at iba pang mga kaugnay na gawain.
Isa kasi, aniya, sa mga dahilan kung bakit hindi pinahihintulutang tumakbo ang mga klero, ay upang maging single-minded at walang kakumpitensya pagdating sa responsibilidad, kaparehas din ng hindi pagpahintulot sa isang pari na mag-asawa ayon kay Arjona.
Samantala, sa ngayon ay wala pa namang nasusupinde sa Albay dahil dito, ngunit sa ibang mga lalawigan sa rehiyon ay mayroon na katulad sa Sorsogon at sa Masbate.
Maliban dito, wala naman din umanong naiulat na kaugnay na kaso ngayong nagsimula na ang filing ng Certificate of Candidacy (COC) para sa BSKE 2023.