CAMARINES NORTE- Pinaalalahanan ng Department of the Interior and Local Government ang publiko na iparehistro na ang kanilang sim card at huwag nang hintayin ang deadline ng sim card registration.
Sa panayam ng Brigada News FM Daet ipinaalala ni Local Government Operations Officer VII, Cluster Head Jerwin Novio ng DILG Camarines Norte na huwag nang hintaying magpaso ang 180 days o anim na buwan na ibinigay na panahon para sa sim card registration.
Aniya, madalas daw kasi ay mahilig ang mga pinoy sa last minute.
Sabi ni Novio kailangang iparehistro ang sim card dahil hindi aniya ito kagustuhan ng mga telco kundi pinag- uutos ng batas.
Naniniwala ang opisyal na malaki ang maitutulong ng Republic Act No. 11934 o Subscriber Identity Module (SIM) Registration Act para mapigilan ang masasamang modus sa text.
Matatandaan naman na una nang hinimok ni Interior Secretary Benhur Abalos ang local government units (LGUs), lalo na ang mga nasa malalayong lugar na magsagawa ng information drive kaugnay sa (SIM) Registration Act.
Ayon sa kalihim responsibilidad ng LGUs na ipaalam sa kanilang mga residente ang batas na kailangang iparehistro na ang kani-kanilang mga SIM cards.
Nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang naturang batas noong Oktubre na naglalayong labanan ang text scams mula sa mga unidentified SIM Cards.
