CAMARINES NORTE- Inatasan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga opisyal ng Barangay at Tanod na tumulong sa pag- secure ng mga gagamiting Vote Counting Machine sa halalan.
Sa panayam ng Brigada News FM Daet kay Local Government Operations Officer (LGOO) VII Jerwin Novio, Cluster Head ng DILG Provincial Office inihayag nito na mayroong kautusan si Sec .Eduardo Año sa mga barangay na siguruhing mababantayan ang mga VCM.
Bukod pa ito sa kautusang siguruhing nasususnod ang minimum health standards sa mga ginagawang campaign rallies at pangangampanya ng mga kandidato.
Ipinaalala rin ni Novio sa mga opisyal ng barangay ang hinggil sa ipinalabas na circular ng kalihim na buksan ang mga day care center sa mismong araw ng halalan.
Tungkol naman sa pondo na gagamitin ng mga barangay sa pag- mobilize ng kanilang mga tauhan sa araw ng election, sinabi ni Novio na tila ang mangyayari nito ay “labor of love” o bahala na ang mga opisyal ng barangay.
Gayunman nilinaw nito na mayroon namang allocation ang munisipyo para sa halalan ngayong 2022.
Sa huli umapela ang DILG sa lahat na i- exercise ang karapatang bomoto.
Paalala ng ahensiya na iboto ang matitino, mahusay at maasahang kandidato.
Mahalaga rin umanong sundin ang health protocols sa pagboto para sa kaligtasan ng lahat.
