Aminado ang Department of the Interior and Local Government (DILG) na isang mahalaga at kritikal na hakbang para maagapan ang pagkalat ng Delta variant ng covid-19 sa bansa ay ang pagsasagawa ng mas maigting na contact tracing.
Kung kaya’t umapela si DILG Undersecretary Epimaco Densing sa pamahalaan na bigyan muli ng budget ang mga contact tracers na kailangan ngayon sa bansa.
Ayon pa sa opisyal, mahalaga rin na maipasa kaagad ng Kongreso ang Bayanihan 3, sapagkat malaking bahagi aniya nito ay ilalaan para makakuha ng dagdag na contact tracers sa buong bansa.
Sa ngayon, sinabi ni Densing na hinihintay na lamang nila ang ilalabas na local budget circular ng Department of Budget and Management (DBM) na magbibigay ng authorization sa mga lokal na pamahalaan para magre-align ang kanilang local development fund.
Sa halip aniyang gamitin ito sa proyektong pang-imprastraktura ngayong taon ay gamitin na muna aniya ito sa covid-19 response tulad na nga lamang ng pagdadagdag sa bilang ng mga contact tracers.
Samantala, sinabi pa ni Densing na maglalabas sila ng immediate advisory o agarang abiso sa mga lokal na pamahalaan hanggang sa mga barangay level na nagsasabing dapat mas maging bukas ang kanilang kamalayan at kaalaman sa banta ng covid-19 Delta variant.