LEGAZPI CITY – Binigyang-diin ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na hindi naman lahat ng mga SIM cards sa bansa ay mairerehistro.
Ngayon kasi ay nasa mahigit 82M na ang nairerehistro sa 160M na mga SIM cards, kung kaya’t mayroon pa itong balance, dahilan kung bakit pinalawig pa hanggang Hulyo 25 ang nasabing registration.
Subalit, sinabi ni DICT Bicol Regional Director Carmela Valencia sa Brigada News FM na hindi naman lahat sa 160M SIM cards ay kailangang mairerehistro sapagkat yong ibang numbers ay isang beses lang naman nagamit o deactivated na at ang iba naman ay sa telemarketing.
Aniya, lilimitahan ito hanggang sa maximum of 110M SIM cards. Dito umano sa Bicol Region, patuloy pa rin ang pagtutulungan ng mga telcos, NTC at DICT para sa pagrerehistro sa pamamagitan ng pagpupunta sa mga barangay.
Tiniyak naman ni Valencia, pagkatapos nitong 90-day extension ng SIM card registration ay wala nang susunod pang pagkakataon.