KORONADAL CITY- INAASAHAN na sa July 20, 2022, magbubukas na ang Dialysis Unit sa South Cotabato Provincial Hospital (SCPH) matapos na ito’y inisyuhan na ng license to operate ng Department of Health o DOH.
Ayon kay Dr. Conrado Braña, chief ng provincial hospital na sisikapin nila na makumpleto ang mga supplies na kakailanganin sa nasabing pasilidad upang ito’y makapag-operate na.
Inihayag ni Braña na sa soft opening, susuriin nila ang takbo ng mga machines at ang pacing ng bawat dialysis session.
Ang Dialysis Unit ng SCPH ay mayroong 10 mga dialysis machines.
Napag-alaman na may natukoy na na mga pasyente ang provincial government na makakapag-avail ng libreng dialysis treatment.
Ang mga ito ayon kay Braña ay nag-apply noon pang nakaraang taon at isinailalim sa assessment ng Provincial Social Welfare and Development Office o PSWDO upang masiguro na ang makikinabang at matutulungan nito ay yaong mga mahihirap na labis na nangangailangan.
