Ipinunto ni Senate Committee on Public Information and Mass Media, Chairperson, Senador Robin Padilla na ayon sa Article 9, Section 1 ng Konstitusyon, sinasalamin ng bawat pampublikong opisina ang pagtitiwala ng bayan.
Alinsunod nito, marapat lang umanong serbisyuhan ng mga pampublikong opisyales at manggagawa ang publiko ng may integridad at katapatan.
Kaugnay nito, upang hindi umano mawala ang tiwala ng publiko sa Senado, naghain na ng resolusyon si Padilla na naglalayong paimbestigahan sa kanyang komite ang di umano’y paglobo ng gastos sa bagong gusali ng Senado.
Anya, mahalaga ring malaman ng publiko kung sino ang partner contractor at maging subcontractor ng Hilmarc’s Construction Corporation kung mayroon man.
Maalala, nag-ugat ang usapin dito nang utusan ni Senate President Chiz Escudero si Senate Committee on Accounts, Chairperson, Senador Alan Cayetano na irebyu ang pondo sa paggawa ng gusali upang makita kung mapapababa pa ang halaga nito.