Ginisa ni Deputy Speaker Rodante Marcoleta ang Department of Education (DepEd) dahil sa patuloy na pag-iimprenta nito ng mga libro at self-learning modules na labag umano sa batas.
Sa congressional hearing, iginiit ng mambabatas na ang hakbang na ito ng DepEd ay “clear circumvention” ng Republic Act 8047 o ang Book Publishing Industry Development Act.
Ayon sa mambabatas, batay sa Section 10 at 11 ng Republic Act 8047, inaabisuhan ang DepEd na iphase out ang responsibilidad ng paglalathala ng mga libro at learning materials at hayaan ang public sector publishers na gawin ang kanilang trabaho.
Aniya, partikular na inatasan ng batas ang DepEd na mag-focus sa curriculum development at iwasan ang pag-produce o manufacturing ng mga libro pero hanggang ngayon umano ay ang DepEd ang nagpipilit na gumawa ng mga libro.
Dagdag ng kongresista, lumipat lamang ang DepEd sa pag-iimprenta ng mga modules dahil iniisip ng ahensya na di na ito maituturong na libro.
Gumawa rin umano ang DepEd ng learning materials na tinawag nitong self-learning materials.
Sinimulan ng House Committee on Public Accounts ang imbestigasyon sa audit findings ng COA sa DepEd kaugnay ng mga mali sa learning materials at modules para magpatupad ng reporma, review sa polisiya, at pag-assess sa efficiency ng DepEd.

