Inihayag ng Department of Health na umabot na sa 127,614 na mga indibidwal mula sa A4 category ang nabakunahan na kontra covid-19.
Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, bagama’t mababa pa ang bilang ng mga essential workers na nababakunahan, nakikita naman nila aniya ang kasabikan ng mga ito na makatanggap ng proteksyon laban sa virus.
Dahil dito, sinabi ng opisyal na dapat nang paganahin ang “master listing process” at “scheduling” para hindi dumagsa ang mga tao sa mga vaccination centers.
Kaugnay nito, hinimok ng ahensya ang bawat lokal na pamahalaan na isagawa ang covid-19 vaccination ng mas organisado upang mas mapabilis din ang pagbabakuna.
Samantala, dagdag pa ni Vergeire na dapat na ring magkaroon ng istratehiya ang mga LGUs upang makapagbigay ng mas pinabuting “access” para sa mga senior citizens at iba pang vulnerable population na maisabay pa rin sa pagbabakuna sa A4 category.
