CAMARINES NORTE- Nilinaw ng Department of Education na hindi required ang COVID- 19 vaccination sa mga bata na dumadalo sa limited face-to-face classes.
Ito ang muling binigyang diin ni Schools Division Superintendent Nympha Guemo sa programang DepEd Hour matapos na muling matanong ukol dito.
Ayon kay Guemo magsasagawa pa lamang ng survey ang DepEd sa mga bata kung sino ang magpapabakuna at ibibigay ang listahan sa Provincial Health Office.
Aniya, malinaw naman sa mga school heads ang ganitong polisiya dahil bago pa nagbukas ang limited face-to-face classes noong Marso 1 ay nagkaroon sila ng serye ng pagpupulong.
Ang mga guro lang umano na magtuturo sa face-to-face ang obligadong magpabakuna.
Sa ngayon ay binibigyan pa raw ng konsiderasyon ang mga hindi bakunadong guro na mag work from home.
Pero nilinaw ni Guemo na kapag ibinaba na sa Alert Level 1 ang COVID- 19 restriction sa probinsiya at kinailangan nang magreport ng mga guro sa eskwelahan ay dapat bakunado ito.
Kung hindi bakunado ay dapat itong sumailalim sa regular na RT- PCR test.
