CAMARINES NORTE- Inihayag ng Commission on Elections na hindi pa ito nagsasagawa ng ‘Oplan Baklas’ sa lalawigan ng Camarines Norte ilang araw bago ang pormal na pagsisimula ng campaign period sa local level.
Kasunod yan ng inilabas na Temporary Restraining Order noong nakaraang linggo ng Korte Suprema laban sa ipinatutupad na Oplan Baklas ng komisyon.
Sa panayam ng Brigada News FM Daet kay Basud, Camarines Norte Election Officer III Virgilo Veras sinabi nito na sakaling magpatupad na sila ng pagbabaklas sa mga illegal campaign materials na nakapaskil sa hindi designated na lugar ay umaasa silang magkakaroon na ito ng mas malinaw na polisiya.
Gayunman nilinaw ng opisyal na pwede pa rin silang magbaklas lalo na ang mga campaign poster na nakadikit sa puno, poste ng kuryente, voting centers at iba pang ipinagbabawal na lugar.
Kung hindi pa aniya makapagpalabas ng desisyon ang Korte Suprema patungkol dito ay iiwasan na muna umano nila ang pagbabaklas ng mga campaign poster na wala sa tamang sukat na nasa private property.
“Hindi pwedeng salungatin kung ano ang usapin diyan kaya tayo naman ay patuloy na maghihintay o mag- aaral kung anong nararapat kasi hindi naman pwedeng hindi namin gawin yung aming trabaho dahil parte yan ng trabaho nami na mag conduct ng operation baklas, so kung ano ang dapat na pamamaraan para maimplement natin yun, gagawin at kung sakaling talagang hindi pupwede ay hindi natin gagawin yun,” ani Veras.
Kaugnay nito ay hinimok ng Comelec ang publiko na tulungan sila upang ma- regulate ang naglipanang mga campaign materials na nakapaskil sa hindi tamang lugar.
Ang bagay umanong ito ay kanila nang naipaliwanag sa ginawang voters education and information dissemination campaign sa mga barangay.
“Kaya nga maganda yung ginawa natin na voters education and information dissemination campaign, na -educate natin yung ating mga kabarangay na tungkol dun sa tamang pamamaran paglalagay ng anong mga campaign propaganda materials.”
