CAMARINES NORTE- Nababahala ang Deparment of Education sa tatlong insidente ng pagpapakamatay ng mga estudyante na nagyari sa isang munisipyo.
Kaya naman nais ngayon ni Camarines Norte Schools Division Superintendent Nympha Guemo na tutukan at palakasin ang values formation lalo na sa sekundarya.
Paliwanag ni Guemo na hindi lang dapat ang mental aspect ang tutukan kundi dapat na palakasin ang values formation, paniniwala sa Diyos at pagpapahalaga sa buhay ng mga estudyante.
Kaya naman sa halip na Junior and Senior prom ay inirekomenda ni Guemo na magkaroon ng recollection sa mga bata.
Aniya kailangang buksan ang kaisipan ng mga estudyante dahil ngayon ay kulang na umano sa interaction ang mga bata sa kanilang mahal sa buhay.
Imbes daw kasi na kausapin ang mga magulang, kapatid o kasama sa bahay ay gadget na ang kinakausap ngayon ng mga bata.
Ang interaction na umano ngayon ay sa gadget kung saan tumatawang mag isa ang mga bata na ang kaharap ay hindi naman tao kundi gadget.
Bagamat importante umano ang gadget at teknolohiya lalo na sa panahon ngayon ay kailangang may limitasyon.
Ang bagay umanong ito ay kailangang maagapan ng DepEd sa tulong na rin ng lahat ng stakeholder tulad ng iba’t- ibang organisasyon, simbahan at komunidad upang magkaroon ng kaliwanagan ang pag iisip at puso ng mga bata.
Hindi na rin aniya dapat magsisihan sa mga pangyayaring ito sa halip ay kailangan ng pagtutulungan ng bawat isa lalo na ng magulang.
Mas marami raw kasing oras na kasama ng mga bata ang magulang kaysa nasa eskwelahan.
Naniniwala ang opisyal na ang edukasyon ay dapat wholistic kung saan nililinang hindi lang ang kaisipan kundi psychological, spiritual at emotional na aspeto ng bata.
Sinabi ito ni Guemo sa lingguhang programa ng Division Office na DepEd Hour na napapanood via facebook live.
