Batangas City – Nagbabala ang Provincial Health Office ng Oriental Mindoro sa publiko ukol sa patuloy na pagtaas ng mga kaso ng dengue sa probinsya.
Batay sa ulat ng Oriental Mindoro PHO, simula Enero hanggang Hunyo ngayong taon, pito na ang nasawi dahil sa dengue sa lalawigan at 1,172 naman kabuuang kaso ng naturang sakit.
Ayon kay Provincial Health Officer Dr. Cielo Ante, mababa man ang numero ng kaso kumpara sa mga nakaraang taon, pinapaalalahanan pa rin nila ang mga tao na isagawa ang 4S.
Kabilang ang search and destroy; secure self-protection; support fogging, and spray, at seek early consultation.
Aniya, season talaga ito ng mosquito-borne infections dahil maulan, ngunit may mga hakbang naman silang isinasagawa gaya ng, misting, at maagang screening. Batay sa surveillance reports mula sa Rural Health Units at mga Ospital, ang Calapan City ang may pinakamaraming bilang ng pasyente na may dengue na umabot sa 304 katao. Sinundan naman ng Mansalay na may 211, at Bulalacao na may 114.