Delivery rider, arestado matapos manloob at magnakaw sa isang bahay sa Rizal

Arestado sa ikinasang follow up operation ng Rodriguez Municipal Police Station ang 26-anyos na delivery rider matapos nitong looban ang isang bahay sa Brgy. Manggahan Rodriguez, Rizal.

Ayon sa Rizal PNP, pamilyar umano sa bahay ng kanyang biktima ang suspek na si Alyas Dex at naging daan ito para pasukin at isagawa ang pagnanakaw.

Tinangay nito ang nakita niyang wallet ngunit nakagawa ito ng ingay dahilan para magising ang biktima kaya sinuntok ito ng suspek at pinagbantaan na papatayin ito sa oras na magsumbong.

Agad naman na tumakas ang suspek pero natunton ito at positibong kinilala ng anak ng biktima na siyang nakasaksi sa nangyaring pagnanakaw.

Kasalukuyan nang nakakulong ang naarestong suspek sa Rodriguez Custodial Facility na mahaharap sa kasong Robbery.