Delayed na pagtanggap ng ikalawang AstraZeneca dose, itataas ang immunity laban sa Covid-19 – pag-aaral

Lumabas sa isang pag-aaral sa Oxford University sa United Kingdom na mas tumataas ang immunity laban sa COVID-19 kung naantala o “late” ang pagbibigay ng ikalawa o ikatlong dose ng AstraZeneca vaccine.

Sa pag-aaral ng nasabing unibersidad, hanggang 45 araw ang interval ng una at ikalawang dose ng AstraZeneca kung saan tumaas ang immune response ng mga nabakunahan.

Habang sa mahigit na anim na buwan bago iturok ang ikatlong dose, nakitaan ng “substantial increase” sa antibodies at “strong boost” sa immune response.

Ayon sa lead investigator ng Oxford trial na si Andrew Pollard, magandang balita ito para sa mga bansang may kulang o mababang suplay ng bakuna ng Astrazeneca kung saan nadedelay ang pagbibigay ng second dose sa kanilang populasyon.

Sinabi pa ng mga mananaliksik, positibo rin ang resulta para sa ikatlong dose ng AstraZeneca upang mapatagal ang immunity laban sa virus.

Para naman sa lead senior author ng nasabing pag-aaral na si Teresa Lambe, ginawa nila ang pag-aaral upang malaman ang immunity capacity ng Astrazeneca laban sa mga variants of concern ng covid-19.

Mababatid na batay sa isa pang pag-aaral, nagpapataas naman ng immune response ang paghahalo ng AstraZeneca at Pfizer/BioNTech vaccine.