Naghain ng motion for reconsideration si dating senador Leila de Lima sa Muntinlupa RTC Branch 256 para hilingin na baligtarin ang naunang desisyon ng korte na ibasura ang kanyang bail petisyon sa natitirang drug case.

Sa 22-pahinang mosyon na inihain sa pamamagitan ng kanyang abogado, sinabing nakagawa ang korte ng “grave but reversible errors” na tanggihan ang kanyang hiling na makapagpiyansa.
Ikinonsidera lang din aniya ng korte ang mga testimonya ng prosekusyon laban sa kanya na pawang walang batayan at hearsay.
Hindi rin umano pinakinggan ng korte ang cross examinations at mga argumento para sa kanyang mga depensa.
Samantala, nagsampa naman ng motion for inhibition ang tatlong kapwa niya akusado sa drug case na sina Joenel Sanchez, Ronnie Dayan, at dating Bureau of Corrections chief Franklin Bucayu.
Nais nilang mag-inhibit si Judge Romeo Buenaventura ng Muntinlupa Regional Trial Court Branch 256 mula sa paghawak ng kanilang mga kasong may kinalaman sa kalakaran ng iligal na droga sa loob ng Bilibid.//CA