Nilinaw ng Department of Budget and Management na mayroon pa ring funding para sa pagtatayo ng Martial Law Museum.
Ginawa ng DBM ang pahayag matapos sabihin ng isang opisyal ng Human Rights Violations Victims Memorial Commission (HRVVMC) sa mga mambabatas sa deliberasyon ng budget ng Kamara na walang espesyal na probisyon sa 2023 budget para sa konstruksyon ng naturang Museo.
Sinabi ni HRVVMC executive director Carmelo Crisanto na maaaring maging “white elephant” ang proyekto dahil walang pondong nakalaan para dito sa 2023.
Subalit ayon kay DBM Undersecretary Goddes Hope Libiran ang mga espesyal na probisyon na tinutukoy ng Memorial Commission sa mga nakaraang taon ng badyet ay mga adjustment na introduced ng kongreso.
Dagdag pa nito hindi ito bahagi ng national expenditure program na isinumite ng Department of Budget and Management kahit noong mga nakaraang taon.
Paliwanag pa ni Libiran na ang pondo para sa Museo ay ikinategorya bilang “Trust Receipts”, na nangangahulugan na ang pondo ay magagamit pa rin sa naturang proyekto.
Sa katunayan, sa P381 milyon na inilabas para sa Martial Law Museum noong 2021, P127 milyon lamang ang aktwal na nagamit, kaya may natira pang balanse na P254 milyon.
#
