Naaresto ng mga tauhan ng Manila Police District ang isang lalaki matapos magpaputok ng baril sa isang parking lot sa Arquiza Street kanto ng Guerero Street sa Ermita, Maynila.
Kinilala ang suspek na si Clande Cervantes, 46 na taong gulang at dating tauhan ng PNP Special Action Force.
Sa imbestigasyon ng pulisya, habang nagpapatrol ang isang barangay tanod, nakarinig ito ng putok ng baril sa naturang lugar at may nagsumbong na isang indibidwal kaugnay sa kinaroroonan ng suspek.
Matapos isumbong sa pulisya, agad na inaresto ang suspek kung saan positibong nakuha ang ginamit na baril sa ibabaw ng gulong ng isang nakaparadang sasakyan.
Narekober ng pulisya sa suspek ang Calibre 45 na baril, isang fire cartridge shell at dalawang bala.
Habang inaaresto ang suspek, sinubukan ng isang lalaking kinilalang si Cleo Mangandili na kwestiyunan ang legalidad ng pag-aresto, dahil dito, dinala rin ito sa Ermita Police Station para sa karagdang imbestigasyon.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Indiscriminate Firing and Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act at Obstruction of Justice.