Nakatakdang nang ihatid sa huling hantungan ang mga labi ni dating Pangulong Fidel V. Ramos sa Libingan ng mga Bayani sa Taguig City.
Nakahanda na rin ang state funeral para sa dating commander-in-chief na magsisimula alas-diyes ngayong umaga.
Bago nito, isang pribadong misa ang gaganapin sa Heritage Chapel, kasunod ang pag-alis para sa Libingan ng mga Bayani na may full military honors.
Pagkatapos ng prusisyon, papasok sa Heroes Memorial Gate ang kabaong na may labi ng dating pangulo. Ito ay susundan ng buong military honors bago ikarga ang casket sa isang caisson.
Bibigyan din ito ng burial ceremony bago ilibing sa “Section A Presidents of the Republic of the Philippines” sa pagitan ng mga dating pangulong Ferdinand Marcos Sr. at Elpidio Quirino.
Nabatid na ito ang kauna-unahang state funeral sa bansa para sa isang dating presidente simula noong 1997 na huling isinagawa para kay dating pangulong Diosdado Macapagal.
Magugunitang tumanggi ang pamilya nina former president Corazon Aquino at Benigno “Noynoy” Aquino III noong 2009 at 2021 na magkaroon ng state funeral para sa dalawang dating lider.