Dating miyembro ng gabinete na nagtangkang mag-ayos ng lisensya sa POGO, inaasahang mapapangalanan na

Inaasahan ng ilang mga senador sa pagsipot ni PAGCOR Chairperson and CEO Alejandro Tengco sa pagdinig ng Senado hinggil sa ilegal na operasyon ng POGO ngayong araw.

Ayon kay Senator Risa Hontiveros at Senator Sherwin Gatchalian, kinakailangang dumalo ni Tengco upang mapangalanan na ang sinasabi nitong dating miyembro ng gabinete na umano’y nagtangkang mag-ayos para mabigyan ng gaming license ang ilang ilegal na POGO.

Kabilang na nga rito ang ni-raid na POGO kamakailan.

Kasabay ng pangunguna niya sa pagdinig, umaasa si Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality Senadora Hontiveros na si Tengco mismo ang dadalo sa hearing at hindi ang mga kinatawan nito.

Anya, kung sino man ang tutukuying pangalan ni Tengco – napatunayan na sa mga pagdinig sa Senado na kahit mayroon itong legal na lisenya mula sa PAGCOR ay may nangyayari pa ring criminal activities.

Kaugnay nito, iginiit ngayon ng senadora na huwag nang pag-ibahin pa ang legal at ilegal na mga POGO.

Naniniwala naman si Gatchalian na ang pagdinig sa Senado ang tamang forum para isiwalat na ni Tengco ang pagkakakilanlan ng dating opisyal ng Gabinete.

Karapatan umano ng publiko na malaman ang mga opisyal ng gobyerno na sangkot sa mga ilegal na gawain.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *