Dating ES Bingbong – pumalag sa resolusyong 20K ang namatay sa war-on-drugs

Umalma si dating Executive Secretary Salvador Medialdea sa isiniwalat na datos ng human rights lawyer na si Atty. Chel Diokno ukol sa bilang ng mga napatay sa ilalim ng war on drugs ng administrasyong Duterte.

Sa pagdinig ng House Committee on Human Rights, ibinahagi ni Diokno ang extended resolution ng Korte Suprema na nagsasaad ng “accomplishment report” mula sa Office of the President kung saan lumabas na 20,322 individuals ang napatay sa loob ng mahigit isang taon lamang o mula July 1, 2016 hanggang November 27, 2017.

3,967 mula rito ang nasawi aniya sa kasagsagan ng police operations.

Ibinunyag din ni Diokno na 16,355 homicide cases ang idineklarang “deaths under investigation” na pinatay umano ng riding-in-tandem at mga di kilalang salarin mula July 2016 hanggang September 2017.

Inilarawan ng abogado ang dami ng napaslang na kayang punuin ang Mall of Asia Arena ngunit ang nakababahala ay dalawa lang ang naaresto at nakasuhan at limampu’t dalawang kaso ang iniimbestigahan.

Kinuwestyon ni Medialdea kung saan nakuha ni Diokno ang report gayong bahagi dapat ito ng “privileged communication” at tila pabagu-bago na umano ang numero na nagsimula lang sa anim na libo.

Inusisa naman ni ABANG LINGKOD Party-list Representative Joseph Paduano ang “authenticity” ng dokumento o extended resolution at ang dapat na busisiin ay ang mismong official report mula sa Office of the President o Executive Secretary.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *