LEGAZPI CITY – Nagpapatuloy ang monitoring ng Philippine Coast Guard sa mga pantalan sa lalawigan ng Albay ngayong holiday season.
Ayon kay Commodore Jeffrey Collado ng Philippine Coast Guard (PCG) Albay, hindi pa gaano karaming mga biyahero ang nagsisipagdatingan sa mga pantalan ng Legazpi City, Pio Duran at Tabaco City.
Mas marami ang dumating nitong bisperas ng Pasko ngunit pagkatapos ay bumalik pa rin naman sa normal ang biyahe ng mga roro.
Mahigpit ang pag-inspeksyon ng PCG sa mga bagahe ng mga pasahero.
Inaasahan ni Collado, bago sumapit ang bagong taon, marami ang darating na pasahero mula sa Metro Manila o galing din sa ilang probinsya patungo sa Metro Manila.