SORSOGON CITY – Tutol ang Bicol Inter-Agency Task Force sa mungkahi ng Sangguniang Panlungsod na taasan ang kapasidad ng mga pasahero sa pampublikong tricycle sa lungsod ng Sorsogon.
Nakapaloob umano sa Bicol-IATF Guidelines na posible pa rin na magdulot ng hawaan ng virus ang pagdagdag ng pasahero.
Ayon naman kay Sorsogon City Health Office Head Dr Rolando Dealca, bukod sa magkakalapit na ang mga pasahero sa oras na ipatupad ang pagdagdag dito, ay may mas malaking tiyansa ng hawaan lalo pa kung hindi susunod sa minimum health standards ang mga pasahero.
Una rito, iminungkahi ng ilang konsehal ng Sangguniang Panlungsod ang dagdag pasahero matapos ang sunod-sunod na pagsirit ng presyo ng produktong petrolyo.
