CAMARINES NORTE- Nakiisa ang mga taga Daet at buong lalawigan ng Camarines Norte sa pagdadalamhati ng buong bansa dahil sa pagpanaw ni dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III.
Bago mag umpisa ng kaniyang homily sa Pontifical Mass para sa kapistahan ni San Juan Bautista nitong Huwebes, inanunsiyo ni Daet Bishop Rex Andrew Alarcon sa mga nagsisimba ang hinggil sa pagpanaw ng dating Pangulo.
Kaugnay nito hinimok ng Obispo ang lahat na ipagdasal ang kaluluwa ng dating pinakamataas na lider ng bansa.
Aniya, dalawang malaking balita ang bumungad kahapon ng umaga, ito ay ang installation ng ika- 33 Arsobispo ng Maynila na si Cardinal Jose Advincula at ang malungkot na balita hinggil sa pagpanaw naman ng dating Pangulo.
Batay sa opisyal na pahayag ng pamilya Aquino, pumanaw si PNoy alas 6:30 huwebes ng umaga dahil sa renal disease secondary to diabetes.
Si Aquino ay nanungkulan bilang ika-15 pangulo ng bansa mula 2010 hanggang 2016.

