Binigyang paalala ng Civil Service Commission (CSC) ang 1.9 million na mga kawani ng pamahalaan sa buong bansa na iwasang sumali sa electioneering at partisan activities.

Ayon kay CSC Chairperson Karlo Nograles, sa ilalim ng CSC – Commission on Elections (COMELEC) Joint Circular sakop ng pagbabawal sa nasabing kautusan ang mga miyembro ng civil service na nagtatrabaho sa lahat ng sangay at ahensya ng gobyerno.
Tungkol naman sa paggamit ng social media, ang mga kawani ng gobyerno ay maaaring mag-repost, magshare, like, comment, o mag-follow sa account ng isang kandidato o partido hangga’t hindi sila tahasang humihingi ng suporta para o laban sa isang kandidato o partido sa panahon ng kampanya.
Ang mga empleyado na mapapatunayang nagkasala ay papatawan ng multang isang buwan at isang araw hanggang anim na buwang suspensiyon para sa unang pagkakasala, at pagkakatanggal sa serbisyo para sa ikalawang pagkakasala, ayon sa 2017 Rules on Administrative Cases in the Civil Service.