COVID-19 tests, tatanggalin sa mga arrivals sa UK

Inihayag ng UK government na tatanggalin na nila ang compulsory Covid tests para sa mga fully vaccinated arrivals at quarantine para sa unvaccinated travelers, sa tinawag nilang “new phase” sa kanilang pandemic strategy.

Sa ngayon kasi, ang mga fully vaccinated arrivals ay kailangan na sumailalim sa lateral flow test sa loob ng dalawang araw, habang ang mga hindi pa nabakunahan ay kailangang magself-isolate sa loob ng 10 araw, at kailangan pa na sumailalim sa ilang tests bago at matapos ang biyahe.

Ayon kay Transport Secretary Grant Shapps, simula sa February 11, wala na ang naturang mga requirements, para mas madali at mas mura ang pagbiyahe.

Samantala, tatanggap na ang UK ng vaccine certificates mula sa 16 pang bansa, kabilang na ang China at Mexico.

Dahil dito, mahigit 180 mga bansa na ang mga kikilalaning Covid jabs documentation.