Dapat nang alisin ang ipinatutupad na alert level system kaugnay sa covid-19 sa bansa.
Ito ang pahayag ni Albay Representative Joey Salceda kasunod ng babala ng Department of Health na posibleng isailalim muli ang Metro Manila sa Alert Level 2 kung magtuloy-tuloy ang pagtaas ng mga bagong kaso sa rehiyon.
Ayon kay Salceda, ang alert level system ay nakabatay lamang sa bilang ng mga nagpopositibo sa covid-19 at hindi mismo aniya nakikita ang ‘healthcare point of view’.
Aniya, lagi naman talagang mayroong maitatalang covid-19 cases subalit ang mahalaga ay ang matutunan ng mga tao na mamuhay nang may virus sa paligid.
Binigyang diin ng kongresista na ‘very marginal’ kung itataas na naman ang alert level sa ilang lugar kung saan lubhang maaapektuhan na naman aniya ang mga manggagawa.
Dagdag pa ng mambabatas, hayaan dapat ng pamahalaan ang publiko na makagalaw at kumita upang magkaroon ng kakayanan na alagaan ang sarili nilang kalusugan.
Ang bakuna laban sa covid-19, maayos na nutrisyon at mga hospital beds sa oras na kakailanganin ang dapat prayoridad pa rin ng gobyerno sa ngayon at hindi aniya ang mataas na alert level.(CLAY MARQUEZ)
#