Tinutugis na ngayon ng mga otoridad ang dalawang lalaking hinold-up at tinangay ang 12,000 pesos na cash mula sa AlfaMart Convenience Store sa Brgy Quiling, Talisay, Batangas, kaninang 2:30 ng madaling araw.
Ayon sa imbestigasyon ng Talisay Municipal Police Station, isa sa dalawang suspek ay pumasok sa naturang convenience store at nagkunwaring customer.
Bigla umano itong bumunot ng dalang baril at tinutok sa cashier sabay nagdeklara ng hold-up.
Pinabuksan nito sa dalawang cashier on duty ang cash register para makuha ang cash.
Agad na umalis ang mga suspek matapos makuha ang nasa 12,000 pesos na pera.
Batay sa salaysay ng mga biktimang cashier, nakasuot ng itim na hood jacket at helmet ang dalawang suspek.
Tumakas ang mga ito patungong Tanauan City sakay sa yellow Mio motorcycle na may MV file number 0404-0160040.
Nagpapatuloy ang ginagawang imbestigasyon ng mga otoridad sa insidente.