Comprehensive congressional probe ukol sa criminal activities sangkot ang mga POGO, ipinag-utos na ng liderato ng Kamara

Pinaiimbestigahan na ni House Speaker Martin Romualdez ang mga krimen na kinasasangkutan umano ng Philippine Offshore Gaming Operators o POGO sa gitna ng nakaaalarmang ulat ng naturang mga aktibidad sa bansa.

Nais ni Romualdez na magkasa ng komprehensibong congressional investigation matapos mabahala sa presensya ng mga operator na lumalabag sa batas sa kabila ng umiiral na mahigpit na regulasyon.

Bahagi aniya ito ng commitment ng gobyerno na sugpuin ang mga ilegal na aktibidad dahil hindi dapat pahintulutan na maglipana ang POGO operators na may masasamang gawain.

Read More:  NIA says it is prepared for El Niño impacts

Sinabi ng Speaker na marapat na tukuyin ang mga mastermind at protektor na nasa likod ng mga operasyon upang mapanagot sila sa batas.

Layunin umano ng imbestigasyon na suriin nang mabuti ang iba’t ibang krimen kabilang ang money laundering, human trafficking at iba pang kaso na kagagawan ng ilegal na POGO.

Paliwanag pa ni Romualdez, bubusisiin nito ang kasalukuyang mga regulasyon upang malaman kung epektibo ang mga ito at matukoy ang mga butas na nagiging rason kung bakit nakakaiwas sa kamay ng batas ang mga operator.

Read More:  Sotto questions legality of flood control subcommittee

Ipinunto nito na ang usapin ay hindi lamang tungkol sa pagpapatupad ng batas kundi pagprotekta sa economic stability at sa mamamayan mula sa masamang epekto ng criminal enterprises.

Mahalaga umanong maisama sa pagdinig ang stakeholders, law enforcement agencies, regulatory bodies at community representatives kasabay ng pagtitiyak na anumang magiging resulta nito ay magbubunga ng reporma at mas mahigpit na hakbang tungo sa pagsawata sa ilegal na POGO operations.