Umaasa ang Commission on Elections na aabot sa tinatayang 64-million ang bilang ng mga botante sa October 31, na huling araw ng isang buwan na extension ng voters registration.
Inihayag ito ng Comelec sa gitna ng deliberasyon ng proposed P26.7-billion na pondo nito para sa 2022.

Sinabi ni Comelec director Divine Blas-Perez sa sub-panel na pinamumunuan ni Senator Risa Hontiveros na tinatayang nasa 6.1-million na bagong botante ang nagparehistro sa pagitan ng August 2019 hanggang Setyembre ngayong taon.
Kasama na sa bilang ang 700,690 na reactivated voters at pati na rin ang 1.45-million na young voters para sa Sangguniang Kabataan na ngayon ay edad 18-pataas.
Ipinunto naman ni Perez na base sa datos noong September 30 ay umabot na sa 63.67-million ang bilang ng mga botante.